Ang aking Pagsusuri sa nobelang Dekada 70 ni Lualhati Bautista

PAULA FRIYA ANIKA ARAGONES SAMPELO
13 min readMar 27, 2022

--

na isinapelikula ni Chito S. Roño

Pamagat

DEKADA ‘70

Ang Dekada ’70 ay isang nobelang Pilipino na isinatitik ni Lualhati Bautista. Isang makahulugan ngunit hindi mapanghimagsik na nobelang Pilipino. Ibinungad ng Dekada ’70 ang salaysaying ng isang mag-anak na nasa isang partikular na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas. Ang nakahihikayat na katangian ng nobela ay nakasalalay sa pagunlad ng mga tauhan nito na kumakatawan sa bagong henerasyon ng mga Pilipino. Ito ay isang kuwento hinggil sa isang ina at sa kaniyang mag-anak, at sa lipunang nakapaligid sa kanila. Isa itong salaysayin kung paano ang damdamin ng isang ina ay napupunit sa pagitan ng panitik ng batas ang kaniyang mga katungkulan bilang ina. Ito ay isang pagsasalaysay ng mga pangyayari sa buhay ng isang pamilyang nahagip sa kalagitnaan ng mga magulong dekada ng 1970. Tinatalakay nito kung paano nakibaka ang isang mag-anak na nasa gitnang antas ng lipunan, at kung paano nila hinarap ang mga pagbabago na nagbigay ng kapangyarihan upang bumangon laban sa pamahalaang Marcos Naganap ang sunud-sunod na mga pangyayari matapos ang pagbomba ng Plaza Miranda noong 1971, ang pagkitil sa Batas ng Habeas Corpus, ang pagpapatupad ng Batas Militar at ang walang anu-anong pagdakip sa mga bilanggong pampolitika. Nawalan ng katiwasayan ang mga mamamayan dahil sa paniniil ng rehimeng Marcos.

May Akda

LUALHATI BAUTISTA

Si Lualhati Bautista ay nagsimulang magsulat sa edad na disisais. Bagamat kulang sa pormal na pagsasanay, si Lualhati ay naging kilala sa kanyang makatotohanan at matapang na paghayag sa mga isyung kinasasangkutan ng mga babaeng Filipino at sa kanyang makabagbag damdamin na pagpapakita sa babae na may mahirap na sitwasyon sa bahay at sa trabaho, kaya sa kanyang nobela ay ipinakita ito sa karakter ni Amanda. Kalimitan sa mga sinulat ni Lualhati ay sinasalamin ang karapatan ng mga babae at mapapatunayang ito ang kanyang adbokasiya. Mababasa rin ito sa kanyang sinulat na Bulaklak ng City Jail, kwento tungkol sa mga babaeng nakulong. Ang mga unang kuwento niya’y nailathala sa Liwayway at sa mga antolohiya ng maiikling kuwento. Nakamit niya ang unang gantimpala sa Palanca para sa mga nobelang ’Gapô (1980), Dekada ’70 (1983), at Bata, Bata . . . Pa’no Ka Ginawa? (1984), liban pa sa mga Palanca na nakamit niya para sa mga maiikling kuwento.

Tauhan

Vilma Santos — bilang si Amanda Bartolome; isang babaeng nagsisikap matunton at maunawaan ang tunay na kahulugan ng pagiging isang babae sa gitna ng masalimuot na kalagayan ng bansa noong Dekada ’70 sa ilalim ng Batas Militar. Sinisimbolo ni Amanda Bartolome ang mga babaeng kayang gawin ang lahat para sa mga anak. Sinisimbolo rin nya ang mga babaeng naniniwala sa pantay na pagtingin sa mga tao dahil para sa kanya lahat ng kayang gawin ng mga lalaki ay kaya rin ng mga babae.

Ang Teoryang Feminismo ay ipinakita kay Amanda Bartolome, kung saan siya’y isang housewife na naging independent sa katapusan ng nobela.

“Kung talagang nanay ka, dapat hindi ka lang nanganganak, dapat naipaglalaban mo pati anak mo”. Ayon kay Amanda

Christopher De Leon — bilang si Julian Bartolome Sr.; tumayong haligi ng isang pamilyang nakasanayang magpahayag ng damdamin, kaya nagkaroon siya ng mga anak na mulat ang kaisipan sa mga nangyayari sa kanilang lipunan.

Ang Moralistiko sa pangalan na “moral” isip nang kung ano tama at mali sa pag kung ano ang normal o kung kaano ito inobserba ng isang tao, ito ay medyo di focus ng istorya napansin sa ama na si Julian Bartolome, Sr.dahil sa kanyang pagsuporta kay Marcos, at pag isip na ang babae ay di dapat gumagawa.

“Ano ba gusto mong palabasin? duun ka sa kompare kong uno kumukunsulta ano ba siya? sabihin mo nga sakin, kulang ba ang ikinikita ko? Meron ka bang mga gusto na hindi ko naibibigay?” sinabi ni Julian kay Amanda.

Piolo Pascual — bilang si JulianJules” Bartolome Jr.; panganay na anak; sumapi siya sa isang kilusang kontra sa pamahalaan. Doon naipakita niya ang kanyang pagmamahal at katapatan sa bayan. Kahit na siya’y pinahirapan at pinarusahan ng napakabigat, hindi pa din siya nagsalita at pinanatili niyang tikom ang kanyang bibig tungkol sa kanyang grupo.

Si Jules ay isang aktibista para sa Kalayaan ng Pilipinas sa Rehimeng Marcos.Ang teoryang Markismo, ang pinakita sa pamamaraang Martial Law, dahil sa pagprotesta ng mga kabataan kasama na si Jules sa mga nagprotestang kabataan.

Siguro talagang panahon na, para mamili ang tao alin sa dito o doon, walang neutral” ayon kay Jules.

Marvin Agustin — bilang si Emman Bartolome; pangalawang anak; naging manunulat at naging matagumpay sa bandang huli ng pelikula. Nagsulat ng mga ipinagbabawal na mga sulating politikal na nagsisiwalat ng mga katiwalian ng pamahalaan.

Si Emman ay parang si Jose Rizal, sapagkat dinaan nya rin sa pagsusulat ang kanyang pagtuligsa sa pamahalaan. Ito ay teoryang realismo.

Carlos Agassi — bilang si Isagani Bartolome; Ikatlo sa mgkakapatid,unang napasubo sa maagang pag-aasawa. Sa pelikula, makikita mo na siya’y palaging may kausap sa telepono at may ginagawa pa siya habang nagtetelepono. Babae nga siguro ang kausap niya kaya at isa siguro iyon sa mga naging dahilan kung bakit siya maagang nakapag-asawa. Siya’y pumunta ng Amerika para sumali sa US Navy kahit na hindi ito sinangayunan ng kanyang mga kapatid.

“Kapag empleyado ka empleyado ka ng Amerika, marami kang benefits, Malaki pa ang sweldo mo”, ayon kay Isagani.

Danilo Barrios — bilang si Jason Bartolome; ikaapat sa mgkakapatid, ang miyembro ng kanilang pamilya na may pagkatamad ngunit mabait. Kahit na ayaw niyang bumisita sa Kuya Jules niya noong ito’y nasa kulungan, wala siyang nagawa kundi ang sumama at nagkausap pa sila ng Kuya niya doon. Napansin ng kanyang Kuya Jules na si Jason ay parang gusto ng bumilis ang oras para siya’y lumaki na agad-agad at magkaroon ng sariling kalayaan sa pagkilos at paggawa ng kanyang mga gusto.

Biktima ng salvaging si Jason kung saan siya ay tinorture at pinahirapan ng mga pulis na kaaway ng kuya nyang si Jules.

John Wayne Sace — bilang si Bingo/Benjamin Bartolome; bunso sa magkakapatid, Siya ay inosenteng bata pa lamang noong mga panahon na nakikipaglaban na ang kanyang mga kuya sa lipunan. Siya ang nagtanong kung bakit pinakawalan pa ang kalapati dahil baka daw hindi na iyon bumalik. Ang sabi ng kanyang ina na babalik pa ang kalapati dahil wala namang ginagawang masama dito para hindi ito bumalik.

Tagpuan

Sa Maynila — kung saan dito naganap ang mga pagrarally ng mga aktibistang estudyante at mamamayan. Nagrarally ang mga kabataan dahil sa katiwalian ng ating pamahalaan.

Sa bahay ng Pamilya Bartolome — kung saan maraming hindi malilimutang pangyayari ang naganap dito. Maraming masasaya, Malulungkot at trahedyang naganap sa bahay ng mga Bartolome.

Sa kulungan — panahong nakulong si Jules na sinasabing siya ang pinuno ng mga NPA, nakaranas din dito si Jules natorturin ng mga pulis. Nakaranas din ng pag torture si Jules sa mga Pulis bilang pinuno ng mga NPA.

Banghay

Ang Dekada 70 ay tumatalakay sa hangarin ng isang babae na magkaroon ng sariling katangi-tanging pagkakilanlan. Si Amanda Bartolome ay isang karaniwang maybahay at ina, naghahanda ng kape ng asawa, at nangangalaga sa mga pangangailangan ng mga anak sa paaralan, sa simula ng nobela. Ang mga pagbabago ng mga anak, nakita ni Amanda ang mga pagbabago ng mga anak sa pagdaan ng mga araw. Ang pagkahilig ni Jules sa mga awiting nagsasaad ng pagkamakabayan ay nagtulak dito upang sumapi sa mga kilusang laban sa katiwalian ng gobyerno ngunit nagwalang bahala lamang ito, sinabi niya ito kay Julian, sinigawan niya na takang-taka sa inasal niya.

Ang teoryang Feminismo ang tinatalakay dito kung saan bilang ina, si Amanda ay nasa bahay lang at nag-iintindi sa mga anak nila ni Julian, at si Julian ay syang tumatayong haligi ng tahanan at may katwirang sya lamang ang magtatrabaho para sa kanilang pamilya at walang karapatang magtrabaho si Amanda.

Unang linggo ng Mayo, taong 1974, si Jules ay nag-empake. Pupunta raw sya ng Bikol. Tinanong ni Amanda kung ano ang gagawin nito sa Bikol napasigaw si Jules, may pang-uuyam na sinabi nito sa ina na makabubuting sumama ito, nasampal ni Amanda si Jules.

Si Jules ay nahuli at dinala sa Kampo Crame. Dinalaw nila at doon narinig ni Amanda ang mga kabuktutang ginagawa ng mga sundalo. Samantala, nagpasya si Jason na huminto na sa pag-aaral. Dahil sa wala itong pinagkakaabalahan, halos nagpapaumaga ito sa mga babae. Isang gabi, may tawag na tinanggap sina Amanda at Julian. Nahulihan si Jason ng marijuana. Nagtanung-tanong sila sa mga presinto. Nalaman nilang pinalaya na ito ngunit hindi umuwi sa kanilang bahay. Pinaghahanap siya ni Em, na isa pa rin sa mga anak ni Amanda. Isang gabi, lumung-lumo itong umuwi at ibinalitang patay na si Jason.

Ang teoryang Realismo ang pinapakita dito, sapagkat natural at normal sa ating lipunan lalo na nuong panahon ni Marcos at kahit sa panahon ngayon ay may nangyayari pa ring ganitong kabuktutan na pagbibintangan ang walang kasalanan at palalabasing may kasalanan at kung hindi umamin at hindi akuin at hahantong sa pagsalvage ng biktima gaya ng nangyari kay Jason.

Si Amanda ay ilang gabi ng nag-iiyak. Walang silbi ang kanyang buhay, napagtanto niya at nagpasiya siyang humiwalay na kay Julian. Ngunit hindi marami pa silang dapat pag-usapan ni Julian, naisip niyang iyon ng kanilang pag-uusapan para sa kanilang pagkakaunawaan. Pinalaya si Jules. Ngunit ang kanyang pagkakalaya ay hindi nagpabago ng kanyang simulain. Ibinalik siya sa Kampo Crame. Nang ideklara ang pagbawi ng martial law, sabay-sabay rin pinalaya ang mahigit sa tatlong daang bilanggong pulitikal.

May kani-kanya nang buhay ang kanyang mga anak, mula kay Jules hanggang kay Binggo. Ngunit ngayon, hindi na siyang nag-aalalang hindi magtatagal at maiiwan na sila ni Julian. Natuklasan niyang may magagawa at maiaambag pa siya sa mundong ito. Nasisiyahan siyang pati si Julian ay namulat at tumutulong na rin sa mga gawaing para sa kapwa at bayan.

Napagtanto ni Amanda na hindi lamang sya basta ina ng kanilang limang anak at asawa ni Julian, nais nyang patunayan na mayroon pa syang ibang silbi sa buhay at gawin ang kanyang nais bilang kanyang karapatan tulad ng pagtatrabaho. Higit sa lahat ang maglingkod sa bayan. Sa pagkakataong ito ay pinatunayan lamang na may pantay na karapatan ang babae at lalaki, na hindi gaya ng nasasaad sa teoryang feminismo.

Ang mahabang salaysay ay nakasentro sa panggitnang-uring pamilyang Bartolome, at sa kung papaano naapektuhan ng batas militar ang mga tunggalian at trahedyang naganap sa buhay nila. Katuwang ni Amanda ang inhinyerong asawa na si Julian Sr. sa pagpapalaki sa lima nilang anak na lalaki: ang panganay na si Jules na isang kabataang aktibista na sumapi sa rebeldeng New People’s Army (NPA) at pagkatapos ay naging bilanggong pulitikal; si Gani na sa batang edad ay nakabuntis ng babae; si Em na isang manunulat na naghahanap ng pagkakakilanlan sa sarili; si Jason na naging biktima ng salvaging at si Bingo na maaga pa’y nagmamasid na sa mga nangyayari.

Sa teoryang realismo ito nakasaad kung saan mga tunay na pangyayari sa buhay ang nakasaad. Ang limang anak na lalaki ni Julian at Amanda ay nagkaroon ng kanya kanyang tinahak na landas sa buhay.

Sa Dekada ’70, mababakas ng mambabasa ang tala ng mga aktuwal na kuwento ng panunupil at karahasan ng mga militar sa mga inosenteng sibilyang nasasangkot sa digmaan, mga paglabag sa karapatang pantao, iba’t ibang mukha ng karukhaan at pagsasamantala sa aping mamamayan, at ang walang humpay na paglaban ng mamamayan sa diktadurya sa panahon ng batas militar.

Sa paggamit ng awtor ng first person point of view sa kuwento, kapansin-pansin ang hilig ni Amanda na kausapin ang sarili o mind-chatter hinggil sa papel niya sa asawa’t mga anak at sa mga usaping bumabagabag sa kanya. Sa pagkatuto niya kay Jules, nakakapaghayag siya ng tungkol sa mga nangyayari “dahil di na ako limitado sa mga bagay lang na may kinalaman sa pampabata’t pampaganda, pagdiriwang at mga kaburgisan,” wika nga ni Amanda. Hindi tipikal na babae si Amanda, bagkus, isang tao na may likas na kamalayan sa mga pangyayaring kinasasangkutan ng mas malawak na bilang ng mamamayan (na unti-unti niyang natutuklasan) at di nagpapasupil sa limitasyon ng litanya ng asawa na, “Well honey, it’s a man’s world.”

Isang mahalagang tauhan sa akda si Jules, isang kabataang namulat ng mga kampanya laban sa tuition fee increase sa paaralan hanggang sa lumao’y piliin niyang lumahok sa sandatahang pakikibakang inilulunsad ng NPA. Ang katangian niya bilang isang rebolusyonaryong nakikibaka para palitan ang sistemang umiiral ay lubhang nakapukaw sa damdamin ni Amanda na minsa’y iginiit ang kalayaang magpasya ng sariling buhay noong sumulat siya sa kapatid ng mga katagang sinipi mula sa tula ng makatang si Kahlil Gibran: “Ang inyong anak ay hindi n’yo anak, Sila’y mga anak na lalaki’t babae ng buhay! Nagdaan sila sa inyo ngunit hindi inyo, At bagama’t pinalaki n’yo,sila’y walang pananagutan sa inyo…” Sa pagkakaalam ko, ito rin ang madalas sipiin ng mga aktibistang estudyante ngayon sa pakikipag-usap sa mga magulang na hindi nakakaunawa sa kanilang ginagawa! At gaya ng maraming magulang, hindi naiintindihan ni Amanda ang anak sa mga ginagawa nito. Sagot ni Jules sa ina: panahon na para mamili ang tao. Alinman sa dito ka o do’n…Tutulong ka bang baguhin ang kalagayang ito o magseserbisyo ka rin sa uring mapang-api?

Sa di-inaasahang pagkakatao’y nalasap ng buong pamilya ang dagok ng batas militar nang walang awang pinahirapan at pinatay si Jason ng mga di kilalang tao ilang oras matapos itong palayain ng PC dahil sa hinalang gumagamit ito ng marijuana. Sa kawalan ng pagkakakilanlan sa salarin, walang silang nagawa kundi ang tumangis sa kawalan ng hustisya.

Ngunit kahit pa sumuong sa matitinding trahedya ang pamilyang Bartolome, nananatili pa rin silang buo sa kabila ng pagkakaiba-iba nila ng prinsipyo. Kahit hindi nagkakaintindihan sa mga diskursong pang-intelektuwal, di nawawala ang mahigpit na ugnayang emosyonal. Ika nga ng isang awit, “sa pagkakalayo ay may paglalapit din.”

Ang mga pangyayaring ibinunyag sa Dekada ’70 ay tila nakapagsisilbing panggatong sa lumalakas at umiigting na tinig ng paghihimagsik sa mga unang taon ng sumunod na dekada. Sa mga panahong gaya ng dekada 70-na dekada ng pagkamulat at pakikibaka-natutunan natin ang aral na ang bawat isa’y bahagi ng mas malawak na lipunan kung saan ang mga kabataan ngayon, na “isang malinaw na mata at tainga at tinig ng kanyang panahon”, ang siyang magpapasya ng kinabukasan ng bayan. Ang luma’y sadyang napapalitan ng bago. Wika nga ng isang bilanggong pulitikal, “ang payapang pampang ay para lang sa mga pangahas na sasalungat sa alimpuyo ng mga alon sa panahon ng unos.”

Dulog sa Pagsusuri

Ang ginamit na dulog sa pelikulang Dekada’70 ay isang Sosyolohikal sapagkat layunin ng pelikulang Dekada’70 ipakita ang kalagayan at suliraning panlipunan ng lipunang kinabibilangan ng may-akda. Naipakikita rito ang pamaraan ng mga tauhan sa Dekada’70 sa pagsugpo sa mga suliranin o kalagayan ng lipunan na nagsisilbing gabay sa mga mambabasa sa pagpuksa ng mga suliranin kagaya ng pelikulang Dekada’70 kung saan ipinaglaban ng mga tao ang tama at sugpuin ang mga maling gawain ng pamahalaan noon.

Sa panahon natin ngayon marami pa ring mga manunulat at mambabatas na may lakas ng loob na tuligsain ang maling pamamalakad ng pamahalaan at kung ito ay napatunayan nararapat na bigyang parusa anuman ang posisyon mo sa pamahalaan.

Konklusyon

Ang tema ng palabas na ito ay ang mga problemang dumating sa magkakapatid, sa ama na humarap sa mga suliranin sa kanyang mga anak, sa ina na nagbigay ng kanyang pagmamahal ng buong puso sa pinakamahirap na problemang dumating sa kanila. Ang boses ng isang ina na naghahanap ng isang karanasang kakaiba sa pakikisalamuha sa mga tao, pagkakaroon ng silbi! Na gustong maunawaan kung sino sya bilang asawa, bilang ina at bilang isang babaing Pilipino.

Ang “Dekada 70” ay isang palabas na tunay na makabayan. Sinasalamin nito ang mga taong tumatahak sa kanilang mga landas na may gusting patunayan. Ang mga tao sa likod nito ay may kakayahang makapagpalabas ng isang buhay na larawan ng isang pamilyang dumanas ng mga problema. Sa mga kasuotan at mga gamit dahil ito ay naganap noong mga 1970 naipakita ang mga kasuotan at mga gamit na talagang pang 1970.

Rekomendasyon

Maganda ang kwento at nagsasabi sa atin na kailangan nating ipaglaban ang ating mga karapatan bilang isang mamamayan sa isang malinis na paraan. Makikita na upang makalaya tayo sa pagkaalipin may mga taong nagsisikap na mapaalis ang mga taong mapang-api gaya ni Jules at ng kaibigan niya na hinangad ang kabutihan ng isang bansa at di lamang sa pansarili. Nakalulungkot nga lang at namatay si Jason na kapatid ni Jules dahil sa paglaban nito sa pamahalaan. Nakaantig damdamin ang mga pinagdaanan ni Amanda bilang isang ina dahil masakit para sa kanya ang mawalan ng anak at maghirap ang mga ito.

Sa kabuuan ng kwento, masasasabing maganda ito sapagkat naipakita at nagbigay ng aral ito sa mga manonood. Bagamat kalunos-lunos ang nangyari sa pamilyang ito ay nakapagsimula silang muli at nagiging makabayan na. Masasabi nating sa kasalukuyan ay maaaring mangyari ito dahil sa gulo ng ating pamahalaan. Kaya maging mapagmasid tayo sa lahat ng oras at gawing mapayapa ang inyong gagawin. Isa lang ang tanong sa kwentong ito “Paano mo palalakihin ang iyong mga anak sa panahon ng katiyakan?

--

--